Las Aguilas de Mondego: El Juego del Amor
- Kaye O.
- Apr 7, 2023
- 4 min read
Updated: May 4, 2023
Ang simula ng Venganza!

1946
Plantasyon Vera Luna. Naging palaisipan kay Rosangelica Vera Luna ang pagsulpot ng isang dayuhang pesante na si Jose Gabriel.
Sa kabila ng kakisigan nito, isa itong dominante... arogante at pangahas. Sa tulad niyang itinuturing na Prinsesa sa pook na iyon, napakadali sa kanyang bigyan ng leksiyon ang tulad nitong agresibo.
Subalit paano niya magagawa iyon, kung patuloy siyang nagpapaubaya sa tuwing nariyan na ito.
Ano ba ang mayroon sa dayuhang ito at tila isa siyang gamo-gamo na patuloy na sumasalpok sa liwanag ng apoy?
Patuloy ba siyang magiging alipin ng isang hamak na pesante?

Halaw sa Nobela
Hindi inaasahan ni Jose Gabriel ang panauhin na kumatok sa pintuan ng umagang iyon. Ni hindi na siya nag-abalang magbihis sa pag-aakalang si Tata Manolo lang iyon, kasama ang batang lalaki nitong apo na si Emanuel.
Napangiti siya sa sarili. Tingnan mo nga naman ang suwerte. Naririto na ang pagkakataon na hindi ko na kailangang hanapin pa.
“Magbihis ka!” asik nito na hindi naman makatingin sa kanya.
“Magandang umaga, Senyorita.”
Hindi nito pinansin ang bati niya. “Hindi mo ba ako naririnig? Magbihis ka bago mo ako harapin!”
Ramdam ni Gabriel na hindi lamang sa utos ng kagandahang asal ang pagkailang nito nang makita siyang nakahubad.
Unang beses pa lang na nagtama ang kanilang mga mata ni Rosangelica, ramdam niyang higit pa sa pagkailang ang nararamdaman nito sa kanya.
Dama niyang may napupukaw siyang damdamin dito. At iyon ang gusto niyang tuklasin.
Napakaganda nito at kahali-halina ang bango nito. Nakalugay ang hanggang bewang na kuloy na buhok nito na tila hibla ng mga ginto sa pang-umagang sinag ng araw.
Ito lang ang babaeng nakita niyang hindi nasisira ang porma kahit nakapalda pa sa ibabaw ng kabayo nito. Para itong engkantada na bumaba sa lupa at naghahanap ng aakiting mortal upang isama sa mundo nito.
At kung siya ang mortal na napili nito, sasama siya rito kahit saan.
“Masusunod po, Senyorita.” Hinuli niya ang mga mata nito at nais niyang matawa sa tensyon na alam niyang nararamdaman nito.
Tumalikod siya at nagtungo sa maliit niyang kuwarto sa kusina upang magsuot ng kamisa de chino.
Kaagad siyang bumalik sa dalagang prinsesa ng mga Vera-Luna. Panay ang lakad nito sa patio.
Larawan ng magandang mukha nito ang pagkairita. Subalit lalo lamang gumaganda ito sa paningin niya kapag ganoon ang hitsura nito.
“Sino ka, at anong ginagawa mo sa bahay ni Tata Manolo? Nasaan ang may ari ng bahay?”
“Nasa simbahan sila, Senyorita. Hindi pa sila dumarating. At ako’y dito tumutuloy dahil wala naman akong ibang kamag-anak rito sa Santa Elena.”
“Bakit hindi sa akin ito nabanggit ni Tata Manolo?”
“Hindi kayo nakadalaw nitong mga huling araw ng linggo sa mansyon, Senyorita. Sabi po niya’y hihintayin kayo ni Tata Manolo upang sabihin sa inyo na dito niya ako pinatira.”
Wala ka bang matutuluyan sa bayan na’to sabi mo?”
“Opo. Wala po akong pamilya rito.”
“Eh bakit ka naparito? Sino ka at sino ang sadya mo sa bayan na ito?”
Halos pag-aari ng mga Vera-Luna ang bayan ng Sta. Elena. Kaya nagiging matanong marahil ang dalagang senyorita.
“Naghahanap po ako ng oportunidad, Senyorita. Galing na po akong Maynila, subalit mas nagustuhan ko po ang bayan ng Sta. Elena kumpara sa mga bayan na narating ko.”
“Bayang narating? Lagalag ka. Bakit ka dito tumutuloy kina Tata Manolo?”
“Kaysa umupa pa ako ng tirahan sa labas ng Plantasyon, dito na lang ako uupa. Tutal kailangan ni Tata Manolo ng makakatuwang niya sa pagpapaganda ng inyong mansyon.”
“Isa kang estranghero. Baka mamaya malaman kong isang takas kang kriminal—“
He stepped closer to her. “Kung isa akong kriminal, Senyorita… palagay mo’y magtatagal pa ang pag-uusap natin ito na hindi kita gagawan ng masama?”
Napalunok ito. Her eyes looked frightened but she managed to look at him straight to his eyes. “A-Anong gagawin mo?”
Napaurong ito habang patuloy niyang nilalapitan ito. Napasandal ito sa poste ng patio. Itinukod niya ang braso sa gilid nito at ikinulong niya ito.
“Marami akong maaring gawin sa’yo Senyorita…” iginala niya ang mata niya sa maamong mukha nito.
“Maaring tangayin kita sa lugar na ako lamang ang nakakaalam. Ikulong kita sa bisig ko at halayin ng paulit-ulit.”
Buong tapang nitong sinalubong ang titig niya. “Gagawin mo ‘yon? Baka hindi mo kayanin ang makalusot sa mga bantay ng plantasyon ko. Ayaw mo naman mamatay ng nahihirapan sa kamay ng tauhan ng Papa ko, di ba?”
Tumawa siya. He wanted to touch her skin but he halted himself. Ayaw niyang mag-histerya ito.
“Hindi mo kailangang pagbantaan ako. Hindi ko gagawin iyon sa kahit sinong babae, Senyorita. Dahil hindi ako masamang tao gaya ng ikinakatakot mo. Ang babaeng gaya mo’y inilalagay sa pedestal…” Inilapit niya ang mukha niya rito. Amoy na amoy niya ang mabangong hinga nito. “… sinasamba. At hindi sinasaktan.”
“Pangahas!” itinulak siya nito. “¡Usted es solamente grosero y bruto!”
Itinaas niya ang dalawang kamay niya na tila sumusuko. Nakapaskil pa rin ang palihim na ngiti sa kanyang labi. Lalo itong gumaganda sa paningin niya kapag nagagalit.
Napahalukipkip ito at pairap itong tumingin sa kanya. “Wala kang respeto sa nagpapasuweldo sa’yo. Hindi mo dapat ako pinagsasalitaan ng ganyan!”
“Wala po akong ginagawa sa inyong masama, Senyorita.” Hinagilap niyang muli ang mga mata nito. “Nagsasabi lamang po ako ng tapat sa aking kalooban.”
“Isa kang aroganteng pesante. Sinisisante kita. At sasabihin ko kay Tata Manolo na paalisin ka sa tirahan niya.”
Mabilis siyang tinalikuran nito. Nakakahalinang pagmasdan ang lakad nito, maliit ang bewang nito at mabilog ang pang-upo. Nais niya itong habulin, pero nagbago ang isip niya.
Inaasahan na niya ito. Na magpapakita ito ng katarayan sa kanya gayong damang-dama naman niya ang atraksiyon din nito sa kanya.
Kaunting paghihintay lang… hindi lang sa panaginip kita maaangkin, Rosangelica…
Ek Juego del Amor Book
Comments